Naniniwala ang Palasyo na tumama na sa atin ang “worst case” scenario pagdating sa COVID-19 pandemic.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey kung saan 2 sa 5 adult Filipino o 40% ang nagsasabing mas lalala pa ang lagay ng ekonomiya o lalong hihirap ang buhay sa susunod na 12 buwan.
Ayon kay Roque, tumama na sa atin ang pinaka-worst noong isailalim ang buong bansa sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung saan sarado ang halos lahat ng mga negosyo at marami ang nawalan ng trabaho.
Pero dahil unti-unti nang bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa at halos lahat na rin ng negosyo ay bukas na, sa tingin ni Roque ay unti-unti na rin ang ating pagbangon.
Kasunod nito, ilulunsad nila ang isang communication plan na ‘Ingat Buhay Para sa Hanap-buhay’ na layuning sayawan ang COVID-19.
Paliwanag nito, hangga’t wala pang bakuna sa COVID-19 kinakailangan nating mag- ingat, sumunod sa mga ipinatutupad na health safety protocols nang sa ganun ay makapaghanap-buhay.