Palasyo, sinabing nakikinig at umaaksyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa reklamo ng katiwalian sa PhilHealth

Tiniyak ng Palasyo na bagama’t tahimik si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay nakikinig naman ito at ngayon ay umaksyon na para tugunan ang problema sa ahensiya.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, patunay rito ang pinalilikhang task force ng Pangulo kay Justice Secretary Menardo Guevarra para mag-imbestiga ng katiwalian sa PhilHealth.

Sinabi ni Roque na tulad ng palaging posisyon ng Pangulo, hinahayaan lamang nitong umusad ang imbestigasyon at kapag napatunayang nagkasala, hindi ito magdadalawang-isip na magpataw ng kaukulang aksyon.


Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na nananatiling zero tolerance ang polisiya ng Pangulo sa korapsyon.

Kampante aniya siya sa ikakasang imbestigasyon laban sa mga PhilHealth officials dahil magbibigay daan ito sa isang patas at malalimang paghalukay sa mga kwestyonableng transaksyon sa PhilHealth.

Sa Lunes, magkikita aniya sila ni Pangulong Duterte at kaniyang itatanong kung nabasa na ba ng Pangulo ang report at rekomendasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) laban sa sinasabing mga anomalya sa ahensya.

Facebook Comments