Palasyo, tiniyak na hindi palulusutin sa pananagutan ang mga hotel na lalabag sa quarantine protocols

Tiniyak ng pamahalaan na hindi makakalusot sa anumang pananagutan o ligal na pagpaparusa ang mga hotel na lalabag sa quarantine protocols.

Pagtitiyak ito sa publiko ng Palasyo kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi umano “legally correct” na habulin ang mga may-ari o managers ng hotels sakaling may naging paglabag sa protocols ang kanilang mga guest.

Giit ni Cabinet Secretary at acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, ang suhestyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-deploy ng mga otoridad sa mga quarantine hotel para maiwasan ang pagtakas ng mga nasa isolation ay hindi nangangahulugang napawalang sala na ang mga hotel mula sa kanilang kapabayaan.


Aniya, anumang laktaw sa kanilang mga naging aksyon, hindi pagre-report at anumang paglabag ay tiyak na may kahaharaping kaso.

Kahapon ay tuluyan nang sinampahan ng kaso ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang tinaguriang ‘Poblacion Girl’ na si Gwyneth Anne Chua at walong iba pa kasama ang kaniyang mga magulang at iba pang staff ng Berjaya hotel dahil sa quarantine violation.

Nahaharap ang mga ito sa paglabag sa R.A. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Facebook Comments