Tiniyak ng Malakanyang na mabibigyan ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines ang mga kabataan sa oras na maging available na ang suplay nito sa bansa.
Ito ay matapos na sabihin ng Food and Drug Administration (FDA) na nakatakdang baguhin ang Emergency Use Authorization (EUA) ng Pfizer-BioNTech para payagan na mabakunahan ang 12 hanggang 15 taong gulang.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kapag dumating na ang mga biniling Pfizer ay pupuwede nang makonsidera rin ang mga kabataan na mabakunahan.
“Gagamitin po natin ang Pfizer kapag dumating na iyong ating mga biniling mga Pfizer, kasi iyong mga Pfizer na dumarating po ngayon galing po iyan sa COVAX Facility kinakailangan po ilaan natin iyan para sa mga indigents. Pero huwag po kayong mag-alala, matapos po iyong July 4 sa Amerika na tinatawag nilang Independence Day from COVID ay inaasahan natin na luluwag na ang supply ng Pfizer. Dahil iyan lang naman po ang bakuna na pupuwede sa teenagers, asahan po natin na bibili tayo ng mas maraming Pfizer para sa mga teenagers,” ani Roque.
Una nang sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na bumii ang Pilipinas ng 40 million doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines pero hindi pa madetermina kung kalian ito madedeliver sa bansa.