Maglalabas ng statement ang Palasyo hinggil sa ipinatawag na special meeting ngayong araw sa Malakanyang para pag-usapan ang nangyayaring tensyon sa Europe dulot ng gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, hindi pa kasi matiyak kung ilalabas ng live ang pulong o magkakaroon ng snippets ng mga videos na maaaring isapubliko.
Ani Nograles, kailangang maunawaan ng publiko ang sensitivity ng topic na pag-uusapan dahil mayroon aniyang national security implications na maituturing na very sensitive matter.
Pero tulad ng direktiba ng pangulo importante ring maunawaan ng publiko kung ano ang magiging implications ng sitwasyon na ito sa ating bansa.
Matatandaang sa Talk to the People ng pangulo sinabi nitong ipinatawag niya ngayong araw ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), ilang miembro ng gabinete, mga negosyante at mga sibilyan para makapagpalitan ng mga opinyon hinggil sa nangyayaring kaguluhan sa ilang bahagi ng Europa.
Paliwanag ng punong ehekutibo mahalagang magkaroon ng ideya kung papaano haharapin ng bansa ang ganitong pangyayari sa mundo na maaaring makaapekto sa pamumuhay ng mga Pilipino.