Hindi palalampasin ng pamahalaan ang sinumang mapapatunayang lumalabag sa quarantine protocols.
Ito ang babala ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles makaraang tumakas sa isang hotel quarantine facility ang isang Pinay na mula sa Estados Unidos at naki-party pa sa Poblacion, Makati bago mag-Pasko.
Ayon kay Nograles, sa ngayon iniimbestigahan na ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang nasabing paglabag sa quarantine protocol at nangakong papanagutin ang may sala o mga nagpabaya.
Ani Nograles, ngayong nasa public health emergency ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic, mahalagang sumunod ang lahat sa umiiral na batas.
Kasunod nito, ipinasa na ng Palasyo sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaukulang reklamo makaraan ang isinasagawang imbestigasyon at fact finding ng Philippine National Police (PNP) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Una nang sinabi ng Department of Tourism (DOT) na posibleng pagmultahin nila ang hotel quarantine facility o tanggalan pa ng permit kung mapapatunayang hinahayaan lamang nilang takasan sila ng mga nagkwa-quarantine.