Tiniyak ng Malacañang na susunod si Pangulong Rodrigo Duterte sa “Bawal Bastos Act”.
Ito ay makaraang lagdaan ng Pangulo ang R.A. 11313 o Safe Spaces Act noong Abril na nagbabawal at nagpaparusa sa anumang uri ng pambabatos gaya ng “catcalling”, paninipol at pagpapakita ng sexual actions sa lalo na sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo – ang paglagda ng Pangulo sa panukala at nangangahulugan ng pagkilala nito sa pangangailangan na magkaroon ng nasabing batas.
Aniya – kahit sino ang pwedeng magsampa ng kaso laban sa Pangulo kung lalabag ito.
Una rito, nanawagan ang may-akda ng batas na si Senadora Risa Hontiveros kay Pangulong Duterte na pangunahan ang pagsunod sa batas.
Habang ang grupong Gabriela, naniniwalang hamon ang pagpapatupad nito dahil sa anila’y pagiging “misogynist-in-chief” ng Pangulo.
Matatandaang ilang beses na binatikos ang Pangulo dahil sa mga ‘rape joke’ nito laban sa mga kababaihan at bantang paglalabas ng umano’y sex video ni Senadora Leila De Lima.
Depensa naman ng Malacañang – nagpapatawa lang ang Pangulo.