Hinimok ng Malacañang ang publiko na sundin ang health at safety measures upang hindi umabot sa higit 60,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng July 31.
Nabatid na nagbabala ang mga eksperto na patuloy pa ring kumakalat ang pandemya kung saan sasampa sa higit 60,000 kaso ng COVID-19 sa buong bansa pagdating ng July 31.
Sa National Capital Region (NCR) ay posibleng umabot sa 27,000 ang COVID-19 cases habang 15,000 kaso sa Cebu Province sa katapusan ng buwan.
Panawagan ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa publiko na ugaliing magsuot ng face masks, maghugas ng kamay at sundin ang physical distancing.
Aniya, nagawa nang kontrahin ang naunang pagtaya na aabot sa 40,000 cases pagdating ng katapusan ng Hunyo.
Sinabi naman ni National Policy against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na satisfied siya sa pagpapatupad ng General Community Quarantine sa NCR kumpara sa Cebu City na ibinalik sa Enhanced Community Quarantine dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso.
Inaasahang i-aanunsyo ngayong araw ni Pangulong Duterte ang quarantine classifications na ipapatupad sa susunod na buwan.