Palasyo umapela sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad sa harap ng pagsabog sa Sulu; PRRD, dismayado sa nangyari

Manila, Philippines – Nanawagan ang Palasyo ng Malacañang sa publiko na makipagtulungan sa pamahalaan sa harap na rin ng nangyaring pambobomba sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu kahapon.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, hindi kakayaning mag-isa ng mga otoridad ang pagtiyak sa seguridad ng bansa kaya kailangan ng tulong dito ng mamamayan.

Ito ay upang mas mabilis na maihatid sa mga otoridad ang anomang kahina-hinalang galaw sa kanilang mga lugar upang mas mabilis na maaksyonan ang mga sumbong.


Nagpasalamat naman ang Malacañang sa mga bansang nagpaabot ng pakikiramay at pakikiisa sa nangyaring pagsabog.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, nagpapasalamat sila sa mga bansang Canada, Australia at Vatican sa kanilang pagpapaabot ng pakikiramay sa bansa at sa mga nabiktima ng karahasan sa Sulu.

Sinabi din ni Panelo na nang malaman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang insidente ay nagalit ito at dismayado dahil nangyari ang pagsabog sa gitna ng umiiiral na martial law at mahigpit na pagbabantay sa buong Mindanao hindi lamang sa Jolo Sulu.

Facebook Comments