Palasyo, wala pang hawak na impormasyon kung magtutungo ng Batasan ang Pangulo para sa nalalapit nitong SONA

Hindi pa makumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa ngayon kung ano ang napiling pamamaraan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa nalalapit nitong State of the Nation Address (SONA).

Sa virtual press conference ni Roque, sinabi nitong kung mayroon nang pinal na desisyon ay agad naman nila itong iaanunsyo.

Ito ay makaraang sabihin ni Senate President Vicente Sotto III kanina na sa Batasang Pambansa na gaganapin ang SONA ng Pangulo na may limitadong bilang ng mga mambabatas.


Matatandaang sinabi ng Palasyo ang dalawang opsyon sa ikalimang SONA ng Pangulo.

Una ay ang pagpunta ni Pangulong Duterte sa Kongreso pero limitado lamang sa 50 mga mambabatas mula Senado at Kamara ang dadalo.

Ang ikalawa ay sa pamamagitan ng video conference.

Ang ikalimang SONA ni Pangulong Duterte ay sa darating na Hulyo 27, 2020.

Facebook Comments