Walang ideya ang Malacañang na may inalok na tulong ang pamilya ni dating Interior Secretary Mar Roxas sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Nabanggit ang pangalan ni Roxas matapos matanong ang posibilidad ng paggamit ng iba pang pasilidad bilang vaccination centers bago magtayo ng bagong pasilidad sa Nayong Pilipino sa Parañaque City.
Ang government property ay ikinokonsiderang gawing mega vaccination center para mapabilis ang pagbabakuna sa mga Pilipino at maabot ang herd immunity ngayong taon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala siyang natanggap na ulat o narinig na inalok ang Araneta Coliseum bilang temporary health facility o gawing vaccination site.
Ang Smart Araneta Coliseum o The Big Dome ay isang prime real estate property na pagmamay-ari ng pamilya Araneta, kabilang sina Jorge Araneta at Judy Araneta Roxas – ang ina ni Mar Roxas.
Sinabi pa ni Roque na ang Mall of Asia Arena ay binawi na ng SM matapos itong magamit bilang COVID-19 testing site.
Paalala ng Palasyo sa Nayong Pilpiino na huwag iantala ang plano ng pamahalaan sa pagbabakuna.
Ang planong vaccination center sa Nayong Pilipino ay temporary lamang dahil mga makeshift facility lamang ang itatayo.