Wala namang naging malaking pagkukulang o kapabayaan si Health Sec. Francisco Duque III sa sinasabing hindi nito napirmahang dokumento kung kaya’t hindi tayo naka-secure ng 10 milyong doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines na dadating sana sa Enero ng susunod na taon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, hindi naman talaga makakakuha ang bansa ng bakuna mula sa Pfizer sa unang quarter ng 2021 dahil ang mga ito ay binili na ng mga mayayamang bansa kabilang ang Estados Unidos, United Kingdom at Australia.
Giit pa ng kalihim, sa ngayon tuloy-tuloy ang negosasyon ng pamahalaan sa Pfizer at posibleng sa 2nd o 3rd quarter ng 2021 ay dumating sa bansa ang mga aangkating bakuna mula sa nasabing vaccine manufacturer.
Kanina, kinumpirma ni Roque na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Duque na magpaliwannag sa sinasabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na “somebody dropped the ball” kaya hindi natuloy ang pagdating sana sa bansa ng 10 milyong doses ng COVID-19 vaccines na gawa ng Pfizer.