Manila, Philippines – Isinusulong sa senado na mailibre na rin ang check-up at laboratory tests ng mga miyembro ng PhilHealth.
Ito’y kasabay ng pagsingil sa mas mataas na buwanang kontribusyon sa mga miyembro nito.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, kaakibat dapat ng pagtaas ng kontribusyon ang pagpapalawig din ng health coverage ng ahensiya.
Pero paliwanag ni Dr. Israel Pargas, OIC Vice President ng PhilHealth, sagot naman nila ang check-up pati mga lab test o ang tinatawag na “primary care benefits” pero hindi sa lahat.
Nakalaan lang kasi aniya ito para sa mga mahihirap, sponsored member, at mga Overseas Filipino Worker at kanilang pamilya.
Gayunman, plano naman aniya ng PhilHealth na palawakin pa ito unti-unti para masaklaw ang lahat ng mga miyembro.
Kung sakaling mangyari ang panukala, bukod sa check-up at lab tests, sasagutin na rin ng PhilHealth ang mga gamot sa ilang piling sakit.