Manila, Philippines – Posible ang pagpapalit ng liderato ng Kamara sa sesyon ngayong umaga sakaling makakuha ng sapat na bilang para mapatalsik sa posisyon si House Speaker Pantaleon Alvarez.
Kinumpirma ng ilang source na may movement na para patalsikin si Alvarez.
Pareho umanong may kumausap sa kanila para suportahan ang ouster plot laban sa Speaker.
Si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo umano ang napipisil na ipalit bilang Speaker ng kapulungan.
Noong nakaraang linggo pa ng maging usap-usapan ang pagpapatalsik kay Alvarez pero hanggang kagabi ay nag-usap umano ang ilang party leaders.
Mayroon ding kanya-kanyang pulong ang mga bumubuo ng super majority coalition ngayong umaga na hindi umatend sa patawag na pulong ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas.
Sakaling matiyak ang sapat na numero mamaya sa pagbubukas ng sesyon, may magmomosyon sa plenaryo para ideklarang bakante ang posisyon ng speaker at ihalal dito si CGMA.
Pero ang mangyayari sa sesyon mamayang alas diyes ay depende sa makukuhang bilang ng mga mambabatas.
Tumanggi naman si Davao Del Norte Representative Antonio Floirendo na siya ang nasa likod ng pagpapatalsik kay Alvarez.