Palit Plastic Bottles, Bida sa Community Pantry ng SK Buenavista sa Santiago City

Cauayan City, Isabela-Kakaiba ang bersyon ng Community Pantry ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Buenavista sa Santiago City dahil kapalit ng pagkuha ng libreng goods ng kanyang mga kabarangay ang pagbibigay ng mga ito ng ‘plastic bottles’ para idagdag sa pagbili ng iba pang kailangan sa kanilang Community Pantry.

Bahagi ito ng “We SHARE to CARE Project” na may temang Care for the Needy, Care for the Environment and Care for the Community.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SK Chairman April Jhon Eslabra, batid niya ang lawak ng pangangailangan ng kanyang mga kabarangay kung kaya’t inilunsad nila ang kakaibang bersyon ng Community Pantry katuwang si Barangay Kagawad Russel Quines, Barangay Council sa pangunguna ni Kapitan Leofin Pascual at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan.


Para makakuha ng goods, kailangan lamang ipresenta ang limang (5) plastic small bottles kapalit ng 2 items at isang (1) 1.5-liter kapalit ng 2 items.

Binigyang diin nito na “May Pera sa Basura” at hindi dapat basta itapon na lang kung saan ang mga plastic bottles na maaari namang mapakinabangan pa.

Dahil dito, todo ngayon ang paghahanda ng kanilang barangay sa nalalapit na Nutrition Month kung kaya’t ilan sa ng bote ay gagamitin na taniman ng mga gulay na bahagi ng kanilang Urban Gardening sa bawat purok.

Samantala, higit 200 na kabarangay nito ang nabenepisyuhan sa unang apat na araw ng ilunsad ng Community Pantry habang ang nalikom na plastic bottles ay umabot ng 32 sako.

Nagpasalamat rin si Eslabra sa mga good Samaritan na patuloy ang pagbibigay ng donasyon para sa kanyang mga kabarangay.

Umaasa naman ito na mapapalawak pa ang kanilang proyekto ngayong pandemya.

Facebook Comments