Palitan ng Putok sa pagitan ng PNP-SAF at Teroristang Grupo, Ikinaalarma ng mga residente sa Buguey

Cauayan City, Isabela- Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad matapos makaengkwentro ang makakaliwang grupo pasado 7:00 kagabi sa Bayan ng Buguey, Cagayan.

Ayon kay PCapt. Joel Labasan, nagpapatrolya ang tropa ng 14th Battalion Special Action Force (SAF) at 203rd Regional Mobile Force Battalion sa Barangay Villa Cielo nang makasagupa ang makakaliwang grupo.

Aniya, tumagal ang palitan ng putok sa 20 hanggang 30 minuto.


Inaalam na sa ngayon kung may nasugatan sa hanay ng makakaliwang grupo.

Samantala, pinagsisira ng grupo ng Henry Abraham Command Cagayan ang ginagawang CR ng CAFGU detachment sa Brgy. Villa Cielo, Buguey Cagayan.

Tinatayang aabot sa humigit kumulang 30 fully armed na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang gumawa ng pagsira sa ginagawang pasilidad.

Ayon sa hepe, walang bakas ng pagsabog sa lugar subalit ang mga residenteng malapit sa pinangyarihan ng insidente ay nakarinig ng tatlong magkakasunod na putok ng baril.

Nakasulat pa sa pader ng sinirang pasilidad ang pagtutol ng mga miyembro ng CTG sa pagtatayo ng kampo ng mga militar sa lugar, pagsulong sa digmaang bayan at iba pa.

Samantala, nabatid na 50 metro ang layo ng ginagawang detachment sa kabahayan habang wala namang naiulat na nasaktan sa hanay ng pulisya maging sa mga residente.

Facebook Comments