PALPAK | Lalaki, huli matapos tangkain mang-carnap sa QC

Quezon City – Arestado ang isang lalaki matapos tangkaing tangayin ang isang taxi sa Quezon City.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagtigil ng isang taxi sa Agno Street sa Barangay Doña Josefa.

Hindi nagtagal, isang lalaki ang lumabas sa taxi at nasundan ng isa pang lalaki na pasimpleng tumakbo palayo at nagtago sa mga halamanan.


Makaraang ang ilang minuto, dumating na ang mga barangay tanod sa lugar at nasundan ng pagresponde ng mga pulis.

Ayon sa taxi driver na si Romel Lorilla, inutusan siya ng suspek at pasahero niyang si Ariel Laurente, na mag-doorbell sa isang bahay.

Pero nang lumabas siya ng taxi, tinangka ni Laurente na tangayin ang kaniyang taxi pero nabigo ito nang mamamatay ang makina.

Sa tulong ng CCTV, nahuli si Laurente na mahigit 30 minuto na nagtago sa mga halaman.

Depensa ng suspek, kailangan niya ng pera dahil natalo siya sa online sabong at nagkautang rin siya sa kaniyang amo pero hindi naman raw niya tlaga nais nakawin ang taxi.

Sa kabila ng kaniyang paliwanag, mahaharap pa rin ang suspek sa reklamong carnapping.

Pinaalalahan naman ng pulisya ang mga taxi driver na maging alerto kahit sa kanilang mga pasahero.

Facebook Comments