Palpak na Akyat-bahay, Huli ng May-ari!

Cauayan City, Isabela- Huli ang isang binata matapos nitong tangkaing pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang negosyante, kahapon ng madaling araw sa barangay Sillawit, Cauayan City.

Kinilala ang suspek na si Oliver Castillo, 19 anyos at tubong Malayantok Talavera, Nueva Ecija.

Batay sa report, gamit ang isang hagdan umakyat umano ang suspek sa bakod na pagmamay-ari ng negosyanteng si Leon Pascon, 59 anyos ng Brgy. Sillawit Cauayan City dakong alas dose y media ng madaling araw.


Kasalukuyan umanong nanonood ng T.V. ang biktima ng makarinig ito ng ingay mula sa nahulog na mga galon at drum sa labas ng kanyang bahay na agad niyang pinuntahan para siyasatin.

Dito kanyang nabisto ang tangkang pagnanakaw ni Castillo na nagbanta at nanakot pa umano sa biktima ngunit kaagad ding nadakip matapos dumating ang mga rumespondeng pulis.

Narekober mula sa suspek ang isang itak na gagamitin sana sa gagawing pagnanakaw.

Isasailalim naman sa inquest si Castillo upang masampahan ng kaukulang kaso.

Facebook Comments