Iginiit ng grupo ng mga health workers na ibang administrasyon ang kailangan ng bansa para tuluyang makabangon sa pandemya.
Ayon kay Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana, sa loob ng dalawang taon ay walang nagawa ang administrasyong Duterte habang sa ibang bansa ay normal na ang pamumuhay.
Aniya, isa sa naging malaking factor kung bakit pumalpak ang COVID response ng gobyerno ay dahil ginamit ang sitwasyon ng pandemya sa pamumulitika.
Giit ni Fajutagana, isa rin sa dahilan ang mga malalaking kontrata sa Department of Health na pinondohan ng bilyong piso ngunit hindi nakarating sa tao.
Naniniwala ang grupo na hindi rin si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang makakatulong at maghahatid ng pagbabago sakaling maluklok ito sa pwesto dahil ang mga desisyon nito ay impluwensya din ng kaniyang ama.
Nanindigan din ang medical group na hindi na sina Pangulong Duterte o Mayor Sara ang dapat na iluklok para magkaroon ng tunay na pagbabago.