*Cauayan City, Isabela-* Sampung (10) araw na lamang ang ibinigay na palugit ng lokal na pamahalaan ng Cauayan para sa mga vendors at iba pang Cauayeño na maaapektuhan sa isasagawang Road Clearing Operations sa Lungsod.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Edwin Asis, Asst. Head ng binuong Clearing Task Force, kinakailangang lisanin ng mga tindera at may-ari ng mga struktura o anumang bagay na naipatayo sa gilid ng daan upang mas mapalawak pa ang lansangan at maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa Lungsod.
Simula ngayong araw ng Linggo, September 1 hanggang September 10, 2019 ay dapat natanggal na ang mga ito dahil kung hindi pa aniya natanggal ay mapipilitan ang task force na pwersahang tanggalin ang mga ito alinsunod sa kautusan ng Pangulong Duterte.
Ayon pa kay Ginoong Asis, may mga ilang pribadong nagmamay-ari kasi ng mga bahay na lumagpas na sa kalsada kung kaya’t ang City Engineering Office na aniya ang mangangasiwa rito upang boluntaryong tanggalin ang kanilang struktura.
Patuloy naman sa pag-iikot ang mga miyembro ng binuong Task Force upang pangasiwaan ang Clearing Operations at ipabatid sa publiko ang kautusan ni Pangulong Duterte at ng DILG na maaayos at malinis dapat ang mga kalye at pangunahing lansangan sa loob lamang ng 60 araw.
Paalala naman ni Asis sa publiko lalo na sa mga maapektuhan ng clearing operations na tumalima sa kautusan ni Pangulong Duterte at ng DILG.