Manila, Philippines – Binuweltahan ni Solicitor General Jose Calida ang aniya ay mga palusot ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa hindi agad pagsasapubliko ng pagsasara sa imbestigasyon sa plunder case na inihain ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ikinatwiran kasi ni Morales na bagamat Nobyembre pa ng nakaraang taon isinara ang imbestigasyon, nitong Enero lamang niya ito nalaman dahil nag-inhibit siya sa kaso.
Bukod aniya dito , confidential ang mga fact-finding investigation ng anti-graft body.
Buwelta naman ni Calida, sa fact-finding lamang nag-inhibit si Morales at hindi sa pag-aanunsyo ng pagsasara ng imbestigasyon na mandato niyang ipaalam sa publiko.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa reklamo ni Trillanes noong May 5, 2016, ilang araw bago mag-eleksyon kung saan inakusahan niya ang Pangulong Duterte ng pagkakaroon ng ghost employees sa Davao City na posible raw pinanggalingan ng mahigit P2 bilyong deposito nito sa bangko.