PALUTANG-LUTANG NA PATAY NA BABOY SA ILOG, NATAGPUAN SA CAUAYAN CITY!

*Cauayan City, Isabela* – Natagpuang patay at palutang lutang kahapon ang isang inahing baboy sa kahabaan ng ilog na sakop ng Brgy. Carabbatan Chica sa Lungsod ng Cauayan.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinarian, nakatanggap sila ng tawag mula sa Rescue 922 na isang baboy ang natagpuang patay at palutang-lutang sa ilog.

Pinawi naman ni Dr. Dalauidao ang pangamba ng publiko dahil hindi ito namatay sa sakit na African Swine Fever o ASF dahil nang iahon ng mga ito mula sa ilog gamit ang backhoe ay wala namang nakitaang sintomas ng nasabing sakit kaya’t wala aniyang dapat ipangamba ang publiko.


Aniya, sa paunang imbestigasyon na isinagawa ng kanyang tanggapan, lumalabas na nahirapan lamang umano sa panganganak ang nasabing baboy na sanhi ng pagkamatay nito.

Hindi pa matukoy kung ilang araw nang patay ang baboy.

Posible naman aniya na maharap sa kasong kahalintulad ng pagtatapon ng basura ang sinumang nasa likod nito.

Agad na inilibing ang baboy matapos ang isinagawang pagsusuri.

Nagpaalala naman si Dr. Dalauidao sa publiko na mangyaring ipagbigay alam sa kinauukulan sakaling magkaroon muli ng ganitong insidente para agad na maaksyunan.

 

Facebook Comments