Pamahalaan, bumuo ng panel na magre-review sa anti-drug operations ng pulisya – DOJ

Bubuo ang pamahalaan ng inter-agency panel na siyang magre-review sa anti-illegal drug operations na ikinasa ng mga pulis.

Nabatid na naglabas ng report si United Nations Human Rights Chief Michelle Bachelet na mayroong “near impunity” para sa extrajudicial killings na nangyayari sa Pilipinas.

Ang Department of Justice (DOJ) ang mamumuno sa panel, na siyang magsasagawa ng “judicious review” sa 5,655 police operations.


Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, muling pag-aaralan ang mga kaso at aalamin kung angkop pa ba muli itong imbestigahan o kaya naman ay sampahan ng kaukulang kaso ang mga dawit na law enforcement officers.

Layunin din ng panel na bigyan ang mga apektadong pamilya ng legal options at tulungan sila sa prosecution ng mga sangkot na law enforcers.

Sinabi rin ni Guevarra na magkakaroon ng “reinforce accountability” sa giyera kontra droga, hihigpitan ang mga kasalukuyang mekanismo para maiwasan ang anumang kaso ng impunity.

Dagdag pa ni Guevarra, ang Commission on Human Rights (CHR) ang magsisilbing independent monitoring body.

Ipiprisenta ng panel ang report nito sa katapusan ng Nobyembre.

Facebook Comments