Iginiit ni Vice President Leni Robredo na dapat mataas ang inaabot na target ng pamahalaan sa pagbabakuna para maabot ang herd immunity laban sa COVID-19.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, dapat makamit ang high targets para maabot ang layunin ng pamahalaan.
Pero wala ring problema kay Robredo ang pag-focus sa pag-abot sa population protection.
“Okay naman iyong mas realistic ‘yung targets pero para kasi sa akin, Ka Ely, mas marami tayong gagawin, mas urgent ‘yung ating pag-aksyon kapag mas mataas ‘yung targets, di ba? Ang gusto ko sabihin, wala naman tayong talo kung mataas ‘yung targets natin,” sabi ni Robredo.
“Hindi makakasama na mag-aim pa din tayo for herd immunity para ang aksyon natin, iyong mga ginagawa natin towards that end,” dagdag ng Bise Presidente.
Dapat din aniyang mag-train pa ng karagdagang vaccinators dahil kahit mayroong steady supply ng bakuna, hindi maaabot ang herd immunity kung hindi sapat ang bilang ng vaccinators.
Sa Pilipinas, tanging mga doktor at nurse lamang ang pinapayagang magturok ng bakuna pero sa ibang bansa aniya ay isinasailalim sa pagsasanay ang iba pang health workers bilang vaccinators.
Matatandaang sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na ang target na lamang na mabakunahan ay 50-porsyento ng populasyon o 60 milyong Pilipino.
Para maabot ang herd immunity, dapat makapagbakuna ang Pilipinas ng nasa 70 hanggang 80 milyong Pilipino.