Siniguro ng pamahalaan ang kahandaaan saka-sakaling may tumamang malakas na lindol sa bansa.
Ito ang sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD) Joint Information Center Head Diego Mariano kasunod ng nangyaring magnitude 7.8 na lindol sa Türkiye.
Ayon kay Mariano, dahil nasa Pacific ring of fire ang Pilipinas ay palagi tayong tinatamaan ng lindol kung kaya’t mahalaga ang pagiging laging handa.
Kabilang sa mga paghahandang ito ay ang pagsasagawa ng quarterly national simultaneous earthquake drill kung saan sinasanay ang mga residente sa “duck, cover, and hold” protocol at evacuation.
Aniya, sa pamamagitan ng drill na ito tatatak sa isip ng publiko ang dapat gawin kapag tumama ang lindol at hindi sila matataranta.
Matutukoy rin ng mga awtoridad ang mga polisiya at kagamitan na dapat pang isaayos at baguhin.
Maliban dito, inaayos na rin ng pamahalaan ang hazard mapping sa mga lugar na nasa aktibong fault.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Mariano ang kahalagahan ng National Building Code kung saan ang mga bagong istruktura ay dapat na sumusunod sa mga panuntunan upang manatili itong matatag sa oras ng malakas na lindol.