Handa ang Malacañang na ipag-utos ang pag-aangkat ng galunggong kung patuloy na kakapusin ang suplay at sisirit ang presyo nito sa merkado.
Pahayag ito ng Malacañang matapos pumalo sa P280 kada kilo ang presyo ng galunggong.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, normal lamang na kaunti ang huli ng mga mangingisda dahil panahon ng taglamig.
Pero, inaasahan na dadami na rin aniya ang huli ng mga mangingisda sa mga susunod na araw dahil papasok na ang panahon ng tag-init.
“Well, ngayon naman po galunggong at isda ang tumataas, kasi nga po, talagang kapag taglamig ay kakaunti po ang huli ng ating mga mangingisda. Pero inaasahan naman po natin na dadami na ang huli ng ating mga mangingisda habang papasok na po ang tag-init at kung kinakailangan po, hindi po tayo mag-aatubili na mag-angkat din ng galunggong na ginawa na natin noong minsan para lang magkaroon ng sapat na supply at hindi masyadong tumaas ang presyo ng galunggong,” ani Roque.
Una nang hiniling sa Malacañang ang ilang grupo na magtakda ng price ceiling para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng galunggong.