Pamahalaan, hindi pa tiyak kung magkano ang ibabayad sa Cold Storage facilities para sa COVID vaccines

Hindi pa makapagbigay ng eksaktong halaga ngayon ang pamahalaan kung magkano ang magagastos nito sa paggamit ng cold storage warehouses ng mga pharmaceutical companies.

Matatandaang binisita ng Inter-Agency Task Force (IATF) at National Task Force against COVID-19 (NTF) ang tatlong cold storage facilities na ikinokonsidera ng gobyerno na ilagay ang milyu-milyong doses ng COVID-19 vaccines na darating sa Pebrero.

Kabilang sa mga pinuntahan ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Health Secretary Francisco Duque III ang Zuellig Pharma warehouse sa Parañaque City, Unilab Pharma Campus warehouse sa Biñan City, Laguna at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City.


Sa tantya ni Galvez, nagkakahalaga ito mula $2 hanggang $2.5 kada vaccine dose.

Ang Zuellig at RITM warehouses ay posibleng gamitin sa pag-iimbak ng candidate vaccines mula sa Pfizer at Moderna lalo na at nangangailangan sila ng -20 hanggang -80 degrees Celsius na temperatura.

Ang UNILAB Warehouse ay kayang magtago ng bakuna sa -2 hanggang 8 degrees Celsius, kabilang ang AstraZeneca, Johnson and Johnsons, Novavax at Sinovac.

Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III, nasa 650 million doses ng COVID-19 vaccines ang maaaring ilagay sa 2-8°C warehouses habang 40 million doses sa -20°C warehouses habang 6.5 million doses sa -70 hanggang -80°C depot.

Tiwala si Duque na magiging sapat ng storage facilities na magagamit ng pamahalaan kapag dumating na ang mga bakuna sa bansa.

Facebook Comments