Humingi ng pasensya at pang-unawa sa publiko ang pamahalaan kasunod ng limitadong transportasyon sa unang araw ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, pansamantala lamang ang ganitong sitwasyon.
Aniya, hindi nila maaaring biglain ang pagbabalik ng transportasyon dahil sa banta ng COVID-19.
Sabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, na ngayon lamang nakaranas ng ganitong sitwasyon ang bansa kaya hinihiling nila ang kooperasyon at pang-unawa ng publiko.
Hindi naman aniya nangyayari agad ang reporma sa transportation system at kinakailangan nito ng tuloy-tuloy na measures at pakikiisa ng taumbayan.
Iginiit din ni Tugade na mayroon pa ring limitasyon ang GCQ at paunti-unti, calculated at limitado ang pagbabalik ng transportasyon.