Pamahalaan, iniimbestigahan na ang El Shaddai dahil sa paglabag sa health protocols

Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na iniimbestigahan ang religious group na El Shaddai dahil sa umano’y paglabag sa quarantine protocols sa ginanap na event sa Parañaque City.

Nitong Sabado, nagsagawa ang El Shaddai ng “Family Appointment” event na dinagsa ng maraming tao sa House of Prayer sa Amvel City Grounds sa lungsod.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ang Philippine National Police (PNP) at ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ang nangunguna sa imbestigasyon.


Nagpadala na sila ng sulat at iniimbitahan ang organizer para sa imbestigasyon.

Sinabi rin ni Año na hindi ito ang unang beses na nagsagawa ang El Shaddai ng pagtitipon na walang pahintulot mula sa Parañaque City Government.

Batay sa December 14 resolution ng COVID-19 Task Force, ang religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ay papayagan sa ilalim ng 30% ng seating capacity at mahigpit na ipinatutupad ang health standards.

Samantala, mariing itinanggi ng El Shaddai na nilabag nila ang health protocols.

Nagmumukha lamang magkakalapit ang mga partisipante dahil sa anggulo ng video sa event.

Katwiran pa ng grupo, umuulan din ang panahong iyon kaya binuksan ng mga miyembro ang kanilang mga umbrella kaya makikitang tila walang maayos na distansyang ipinatutupad.

Nanindigan din ang El Shaddai na nasa 1,800 lamang ang dumalo, mababa sa 6,000 o 30% ng 20,000 seating capacity ng House of Prayer.

Facebook Comments