Hinamon ngayon ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang Bayanihan 3 Bill.
“In fact, hinahamon natin ang Pangulong Duterte na i-certify as urgent itong Bayanihan 3 dahil ito ang kailangan ng mga mamamayan ngayon sa gitna ng tumitindi pa ding krisis na pinalala nitong pandemya ng COVID. Dito natin makikita talaga kung ano at sino talaga ang priority ng Duterte administration,” pahayag ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate.
Naniniwala ang kongresista na higit na kailangan na ngayon ang mga ayuda para sa iba’t ibang sektor na nakapaloob sa lifeline package.
Aniya, ang 8.7% na pagtaas sa unemployment rate nitong Abril ay katumbas ng 4.14 million na mga Pilipinong nawalan ng trabaho, mas mataas kumpara sa 7.1% o 3.44 million na mga nawalan ng trabaho noong Marso.
Kung pagbabasehan ang rehiyon ay Metro Manila o NCR ang nakapagtala ng pinakamataas na unemployment rate na nasa 14.4% nitong Abril.
“Couple this with Philippine inflation hitting 4.5% in May 2021, exceeding the government’s target of only 2-4% and still doing so for the third straight month, the Duterte administration should no longer ignore calls for grant of ayuda or subsidy for our suffering people,” sabi ni Rep. Zarate.
Sabayan pa aniya ito ng mataas na inflation rate na 4.5% nitong Mayo ay lalo lamang lumala ang paghihirap ng mga Pilipino ngayong pandemya.
Iginiit ni Zarate na hindi na dapat balewalain ng administrasyong Duterte ang panawagan sa ayuda o subsidiya na malaking tulong para sa mga mamamayang nasapol ng COVID-19 pandemic.
“Ang hamon natin sa ating mga kasamahan sa Senado na kahit nasa break tayo ay pwede naman magkaroon ng mga pagdinig sa komite para mapabilis na ang ayuda sa mamamayan,” ani Zarate.