Pamahalaan, minamadali na ang pagpapatupad ng DOE-Strategic Petroleum Reserve plan kasabay ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo

Ipinag-utos na ni Department of Energy (DOE) Sec. Alfonso Cusi na bilisan ang pagpapatupad ng DOE-Strategic Petroleum Reserve Plan (SPR).

Ito ang inihayag ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad kasunod ng isinagawang emergency meeting ng Energy Department kasama ang mga oil company.

Kasunod na rin ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa world market dahil sa gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.


Ayon kay Abad, sa ilalim ng DOE-Strategic Petroleum Reserve plan ay magpapatupad ng buffer stock ng langis ang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Ipapatupad aniya ito sa pamamagitan ng dalawang phases, ang short-term at long-term.

Sa ilalim ng short-term plan, ang pamahalaan ay magrerenta ng dagdag na storage tank mula sa mga kompanya ng langis.

Para naman sa long-term plan ay magtatayo ang Philippine National Oil Company (PNOC) ng sarili natin storage tank na pag-iimbakan ng suplay ng langis para sa bansa.

Facebook Comments