Patuloy ang pakikipagnegosasyon ng pamahalaan para makakuha ng supply ng COVID-19 vaccines ng Gamaleya Research Institute ng Russia.
Matatandaang inanunsyo ng Gamaleya na halos 92% na epektibo ang Sputnik V vaccine laban sa severe cases ng COVID-19.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, hindi pa maaaring isiwalat ang presyo ng vaccine supply dahil sa confidentiality agreement sa supplier.
“Nakita po natin recently iyong sa publication ng Lancet na maganda po iyong naging result ng Sputnik and ongoing po iyong negotiation natin with the Russian Direct Investment Funds,” sabi ni Galvez.
Sinabi rin ni Galvez, hinihintay nila na mabigyan ang Sputnik V ng Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
“Titingnan po natin kung just in case na magkaroon po tayo ng approval sa FDA ng tinatawag nating Emergency Use Authorization we will continue. Hindi po namin mai-reveal iyong volumes dahil kasama po iyan sa CDA po natin,” dagdag pa ni Galvez.
Noong nakaraang buwan, nag-apply na ang Gamaleya sa Pilipinas para sa EUA, pero sa ngayon ay nakabinbin pa ito.