Inamin ng Department of Transportation (DOTr) na nangungutang pa ang pamahalaan para sa igugugol sa pagpapagawa ng tatlong malalaking railway projects ng bansa.
Matatandaan na noong Hunyo ay naudlot ang proyekto matapos na iurong ang loan applications para sa railway project dahil hindi inaksyunan ng Chinese government.
Sa budget briefing para sa DOTr, sinabi ni Transportation Usec. Timothy John Batan nang matanong ng mga senador tungkol sa update ng mga railway projects na sumulat na sila sa Department of Finance (DOF) at hiniling na isumite muli ang loan applications ng gobyerno.
Hanggang sa ngayon ay hinihintay pa ang pag-apruba rito ng Investment Coordination Committee.
Sinita naman ni Senator Nancy Binay si Batan at hiniling na ayusin ang pagpapaliwanag dahil nagbibigay ang DOTr ng target dates kung kailan operational ang proyekto gayong nangungutang pa pala at wala pa ang proyekto.
Sinasabi kasi ni Batan na sa 2027 ay partially operational na ang Mindanao Railway Phase 1 habang ang PNR South Long Haul Project at ang Subic Clark Railway Project ay sa 2026 naman magiging fully-operational.