Pahuhusayin muli at gagawing moderno ng administrasyong Marcos ang produksyon ng asin sa bansa.
Batay sa inilabas na pahayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ang Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mangunguna sa mga pagsisikap kasama ng iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga plano ang mga sumusunod:
Ang DA ay magpapatupad ng mga programa at inisyatiba para sa pagpapalakas ng produksyon at suplay ng asin
Pangungunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang research and development initiatives
Isasakatuparan ang Development of the Salt Industry Project (DSIP) para sa mga gumagawa ng asin sa Regions 1, 6 at 9
Palalawakin ng DA ang mga pagawaan ng asin at isusulong ang paggamit ng mga teknolohiya para mapabilis ang produksyon at;
Makikipagtulungan ang DA sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST) at Department of Trade and Industry (DTI) upang mapaunlad ang lokal na industriya ng asin batay sa batas o ang Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN).
Matatandaang, inaprubahan ng DTI ang taas-presyo ng asin matapos ang maraming taon na hindi ito ipinatupad.
Ayon sa DTI, tumaas sa P21.75 ang iodized rock salt sa 500 gramo at P23.00 sa isang kilo.
Habang, ang suggested retail price (SRP) ng iodized salt para sa 100-gram pack ay nasa P4.50 at ang 250-gram pack ay mula P9.00 hanggang P11.75 at P16.00 hanggang P21.25 para sa isang 500-gramo na pakete.
Ang isang kilo naman ng asin ay nagkakahalaga ng P29.00.
Pero sa gitna ng pagtaas nito ay nanindigan ang DTI na walang kakulangan sa asin sa bansa.