Inaalam na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kung ano ang pwedeng maibigay na tulong ng Pilipinas sa India habang dinadanas nila ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, pumapalo na sa halos 18 milyon ang kaso ng COVID-19 sa India habang lagpas 200,000 na ang namatay.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinag-iisipan na ng DFA ang kung ano ang maaaring maipadalang tulong sa India.
Sa naman interview ng RMN Manila, sinabi ni Roque na umaasa pa rin ang pamahalaan na makakuha pa rin sila ng bakuna mula sa India.
Aniya, may nilagdaan ng kasunduan para dito.
Matatandaang nagpatupad ang Pilipinas ng travel ban mula sa India mula noong April 29 hanggang May 14 dahil sa pangambang pumasok sa bansa ang “double mutant” na B.1.617 variant.
Sa ngayon, ikinokonsidera pa lamang ito ng Department of Health (DOH) na variant under investigation.