Pamahalaan, pinakikilos na agad laban sa lumalawak na claim ng China sa mga isla sa West Philippine Sea

Kinalampag ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang pamahalaan na kumilos na agad laban sa lumalawak na panghihimasok at pag-aangkin ng China sa mga isla sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Zarate, bukod sa pag-okupa at pag-angkin na ng China sa Julian Felipe Reef ay kapansin-pansin din umano ang sabay-sabay na pagkordon sa ibang mga isla matapos kumpirmahin ng National Task Force for West Philippine Sea na ilang Chinese vessels ang ipinakalat sa Kalayaan Island Group at WPS.

Giit ng Deputy Minority Leader, hindi dapat hayaan ng pamahalaan na kapalit ng mga donasyong bakuna ng China ay ang mga isla ng bansa dahil ito ay tahasang pagtataksil sa national sovereignty at sovereign rights sa ating teritoryo.


Umapela rin ang mambabatas sa Coast Guard at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpadala ng dagdag na air at marine assets sa lugar upang mabantayan ang mga magtatangka na pumasok sa teritoryo at para maprotektahan din ang mga mangingisda ng bansa.

Dagdag pa ni Zarate, hindi sana mangyayari ang pag-aangkin at militarisasyon ng China sa mga isla ng bansa kung nanindigan lamang sana noon ang administrasyong Duterte sa soberenya at sa karapatan natin batay sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS.

Facebook Comments