Pinayuhan ng ilang senador ang pamahalaan na maging maingat sa anumang pahayag kaugnay sa tensyon sa pagitan ng US at China matapos ang ginawang pagbisita kamakailan ni US House Speaker Nancy Pelosi.
Ayon kay Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, mahalagang maging maingat ang gobyerno sa anumang public o official pronouncements nito kaugnay sa isyu lalo pa’t napaka-sensitibo at napakabigat ng nasabing usapin.
Aniya, dapat na muling pagtibayin ang pagtalima ng bansa sa One-China policy at manawagan para mabawasan ang tensyon partikular sa Taiwan Strait.
Hiniling din ng senador na iwasan ang anumang hakbang o aksyon na makakapagpagalit sa ibang mga bansa.
Sinabi naman ni Senator Imee Marcos na patuloy na naninindigan ang Pilipinas sa One-China policy at umaasa siyang kikilalanin ng China ang pagnanais nating manatili ang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.