Pamahalaan, sisikaping makumpleto ang Yolanda Housing program – Nograles

Determinado ang pamahalaan na tapusin ang natitirang housing units para sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, aabot na sa 135,000 na bahay ang naitayo ng pamahalaan para sa mga biktima ng bagyo na tumama sa bansa noong 2013.

Aminado si Cabinet Secretary Karlo Nograles na matagal naantala ang proyekto dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.


Pagtitiyak ni Nograles na bibilisin ang proyekto at agad na mai-turn-over sa mga benepisyaryo.

Mula sa orihinal na target na 198,528 houses, nasa 135,189 units na ang natapos habang 32,222 ang itinatayo.

Mayroong ₱7.4 billion na budget para sa pagtatayo ng 20,615 units, kung saan 576 na ang natapos habang 5,036 ang itinatayo.

Humingi na rin sila ng tulong mula sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) para mapadali ang pagpoproseso ng mga permits at iba pang dokumento para sa housing project.

Sakaling manatiling problema ang red tape sa Yolanda Housing program, hihingi na sila ng tulong kay Pangulong Duterte.

Ang mga benepisyaryo ng programa ay susuriin ng National Housing Authority (NHA) at ng Local Government Unit.

Si Nograles ang pinuno ng inter-agency task force na siyang nakatutok sa permanent housing program.

Ang task force ay hanggang katapusan lamang ng Agosto pero pinalawig pa ito ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang June 30, 2022.

Facebook Comments