Ikinabahala ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang nangyaring bakbakan sa pagitan ng 101st Infantry Brigade at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at iba pang lawless elements sa Brgy. Ulitan, Ungkayan Pukan, Basilan na nag umpisa noong Martes.
Ayon kay OPAPRU Sec. Carlito Galvez, tinitiyak ng pamahalaan sa mga residente ng Basilan na ginagawa na ng gobyerno ang lahat para humupa ang tensyon sa Basilan.
Ani Galvez, ang peace mechanisms partikular na ang Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at ang Ad Hoc Joint Action Group ay nasa ground na para pumayapa ang sitwasyon at maiwasan ang pagkalagas ng buhay.
Nanawagan din ang OPAPRU ng kahinahunan habang hinihintay ang resulta ng negosasyon.
Samantala, paliwanag pa ni Galvez ang paglagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ang siyang tutuldok sa matagal nang armed conflict sa Bangsamoro Region kung kaya’t hindi aniya makapapayag ang pamahalaan na mawala ang tagumpay na nakamit sa BARMM.