
Magsisimula na sa Martes, March 17, ang pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy sa mga apektadong Public Utility Vehicle (PUV) driver sa gitna ng walang prenong taas-presyo sa petrolyo.
Ito ang tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan ipapasok sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ang mga driver na makikinabang sa programa.
Kaugnay nito, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nasa mahigit P60 billion ang pondong nakalaan para sa programang AICS sa ilalim ng 2026 national budget.
Nagbukod na aniya sila ng P30 billion at may mga nakaantabay pang mapagkukunan ng pondo sakaling hindi agad humupa ang tensiyon sa Middle East na pangunahing dahilan ng pagsipa ng presyo ng langis.
Sinabi naman ni Transportation Secretary Giovanni Lopez sa kaparehong briefing na uunahin munang mabigyan ng subsidiya ang mga tricycle driver.










