Pamahalaang lokal ng Muntinlupa, muling nagpatupad ng curfew hour habang umiiral ang MECQ

Inaprubahan na ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi ang isang ordinansa na nagpapatupad ng curfew hour sa lungsod habang umiiral ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Batay sa City Ordinance No. 2020-113, ang curfew hours sa lungsod ay magsisimula ng alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Ang sinumang lalabag ay magmumulta ng P300 para sa first offense, P500 para sa second offense at P1,000 para sa third offense at sa mga susunod pang paglabag.


Kung menor de edad naman ang mga lalabag, warning lang ang matatanggap nito sa unang paglabag habang may multang P300 sa second offense at tatanggalin ito sa Muntinlupa Scholarship Program kung beneficiary nito ang lumabag at P500 para sa third at subsequent offense.

Ayon kay Mayor Fresnedi, layunin nito na mabawasan ang mga lumalabas ng bahay upang maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Hinikayat din nito ang mga residente na sumunod sa mga health protocols at measures kaugnay sa pagkontrol ng naturang virus.

Facebook Comments