Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng San Juan City ang bagong oras na curfew hour na napagkasunduan ng Metro Manila Council o MMC.
Pinagtibay ang bagong oras na curfew hour matapos maglabas ng City Ordinance ang pamahalaang lokal ng nasabing lungsod.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, ang kautusan ng bagong curfew hour ay nagmula sa MMC pero kung papaano ito ipatutupad ay magmumula naman sa mga Local Government Unit (LGU) ng Metro Manila, kaya naman isang ordinansa ang kanilang ginawa.
Batay sa pinagkasunduan ng labing pitong mga alkalde ng Metro Manila, magsisimula ang curfew hour ng alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Pero hindi kasama rito ang mga kabilang sa Authorized Persons Outside the Residence o APOR tulad ng health workers, essential workers at iba pang frontliners.
Dahil sa ordinansa, iginiit ni Zamora na maaaring magmulta at makulong ang sinumang lalabag dito.