Pamahalaang Lokal ng San Juan, planong maglagay ng bike lanes

Inihayag ng Pamahalaang Lokal ng San Juan na plano nilang maglagay ng pop-up bike lanes sa ilang kalsada nito bilang bahagi ng ng ‘new normal’.

Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, sa pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ), ilang manggagawa ay magbabalik-trabaho na pero nasa 50% lang ng transportasyon ang papayagan makapagbiyahe.

Aniya, baka hindi ito sapat na makapagsakay lahat ng papasok sa trabaho at uuwi ng bahay.


Dahil dito, umaasa ang alkalde na maraming gagamit ng bisikleta bilang alternatibong transportasyon ngayon GCQ.

Kaya naman aniya ang pagtatayo ng bike lane ay upang matiyak na ligtas ang mga ito sa ano mang uri ng aksidente sa kalsada.

Ang Phase 1 ng bike lane ay bubukasan sa June 3, mula N. Domingo hanggang Ortigas Ave., bago mag-intersection ng Connecticut, at dadaan ito sa mga major facilities at institutions tulad ng San Juan Medical Center (SJMC), San Juan City Hall, Greenhills Shopping Center at malapit sa Cardinal Santos Medical Center.

Pahayag ng alkalde, ang paggamit ng bike ay hindi lang para maisakatuparan ang social distancing, mainam din aniya ito sa kalusugan at isa rin itong sustainable at environment-friendly mode of transportation.

Facebook Comments