Naghahanda na ang Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas sa panibagong bugso ng tulong sa mga residente dahil sa extension ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula Mayo 1-15 dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, pinulong ni Las Piñas Mayor Mel Aguilar ang 20 barangay chairman sa lungsod upang ihanda ang kanilang resources para sa ikatlong bugso o third wave ng pagbibigay ng ayuda sa extension ng ECQ at ang posibleng implementasyon ng “extreme” ECQ sa buong lungsod.
Sinabihan din niya ang mga kapitan ng barangay na ireserba ang mga natirang relief goods at huwag itong itago.
Asahan din daw ng mga residente ng lungsod na dadami o tuluy-tuloy ang paglulunsad ng mini-palengke sa mga covered court sa iba’t ibang barangay.
Ito’y upang mabawasan ang bilang at siksikan ng mga tao sa mga pamilihang bayan sa siyudad lalo na kung magpapatupad ng mas mahigpit na lockdown sa mga barangay.
Inatasan din ng alkalde ang mga department heads upang bumuo ng mga hakbang para paghandaan ang extension ng ECQ.
Bukod sa pamamahagi ng relief packs sa buong lungsod para sa extension ng ECQ, magsasagawa din ang Lokal na Pamahalaan ng simultaneous rapid testing sa mga health workers at frontliners upang masiguro ang kanilang kalusugan.