Pamahalaang lungsod ng Makati, nagpadala ng karagdagang rescue equipment sa Marikina

Inihayag ni Makati City Mayor Abby Binay na nagpadala siya ng karagdagang tulong sa mga residente ng Marikina City.

Ayon kay Binay, nagpadala siya ng karagdagang rescue equipment tulad ng penetrator fire truck, mobile water filtration, pick-up truck RV-13 at water tanker.

Layunin aniya nito na tulong ang Marikina City Government na maghakot ng mga basura na dala ng pagbaha, maalis ang mga putik sa daan at magkaroon ng malinis na tubig na maiinom ang mga residente ng lungsod.


Kamakailan ay nagpadala ang lungsod ng rescue team, dalawang Rescue One boat, isang ambulansya, isang emergency response vehicle, mobile kitchen at water tanker upang tumulong sa mga naapektuhan ng bagyo sa Marikina City.

Tiniyak ng alkalde na patuloy ang pagbibigay nila ng suporta sa mga kababayang o lugar na nasalanta ng kalamidad.

Ang lungsod ng Marikina ay ang tanging lungsod sa Metro Manila na nagkaroon ng malawak at matinding pinsala na dulot ng pagbaha ng dahil sa Bagyong Ulysses.

Facebook Comments