Inihayag ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na nakaalerto na ang Marikina Command Center.
Ayon kay Teodoro, inatasan niya ang Rescue 161 na patuloy na nakikipag-ugnayan sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) upang malaman ang rain fall reading sa mga bundok na nakapalibot sa lungsod.
Ito ay para mabantayan kung sakaling magkaroon ng pagtaas ang level sa Marikina River.
Aniya, ipinag-utos din niya sa Office of Public Safety, Engineering Office, mga kawani ng barangay, Bureau of Fire Protection (BFP) na mag-ikot sa buong lungsod, lalong-lalo na sa mga lugar na mga madalas na bahain kapag may malakas na pag-ulan.
Sa ngayon, wala pang naiulat na binahang lugar sa Marikina sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-ulan na dulot ng sama ng panahon.
Samantala, nasa 12.4 meters o nasa normal na level pa rin hanggang ngayon ang Marikina River kung saan ay malayo pa ito sa first alarm na 15 meters.