Patuloy na isinasagawa ng Manila Department of Engineering and Public Works ang sabay-sabay na pagtatayo ng mga quarantine facilities sa lungsod bilang paghahanda, lalo na ngayong tumataas ang kaso ng COVID-19 dulot ng mass testing na isinasagawa sa Maynila.
Ilan sa mga itinatayong pasilidad ay sa:
- Dapitan Sports Complex
- Bacood High School
- P. Gomez Elementary School
- Arellano High School
- Tondo High School
- T. Paez Integrated School
- Patricia Sports Complex
- Tondo Sports Complex
Bukod pa ito sa itinatayong sariling COVID-19 Testing Laboratory ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa ikalawang palapag ng Sta. Ana Hospital.
Sa kasalukuyan, nasa 6,204 ang sumailalim sa swab test habang nasa 30,795 na ang sumailalim sa rapid test kaya inaasahan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila na lalo pang tataas ang bilang ng kumpirmadong kaso sa oras na lumabas ang resulta nito.
Mananatili sa mga nasabing quarantine facility ang mga residente ng Maynila na magpopositibo sa COVID-19.
Samantala, nanawagan si Mayor Isko Moreno sa bawat Manileño na ugaliin ang pagtitipid at responsableng paggamit ng tubig.
Ito ay sa gitna ng kinakaharap na krisis dulot ng COVID-19 kung saan ayon sa Alkalde, isipin daw dapat ang kahalagahan ng tubig na isa sa pangunahing panlaban sa sakit na Coronavirus disease.