Inihayag ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na ngayong araw magsisimula ang pamamahagi ng ayudang pinansyal sa mga pamilya na apektado ng muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).
Aniya, mamamayang alas-2:00 ng hapon sisimulan ang pamamahagi ng nasabing financial assistance kung saan ang unang mga pamilyang makakatanggap ay mga residente ng Barangay Tunasan at Barangay Sucat.
Matatandaan, natanggap ng pamahalaang lungsod ang P442 million mula sa nasyonal na pamahalaan bilang tulong sa mga pamilyang apektado ng ECQ bunsod ng pandemya.
Kung saan target ng Muntinlupa City Government na mabigyan ng nasabing ayuda ang 80% population ng Muntinlupa ng P1,000 hanggang P4,000.
Sinabi rin ng alkalde na nag-assign na sila ng schedule para sa beneficiaries upang masunod ang social distancing sa mga lugar na pagdadausan ng pamamahagi ng nasabing financial assistance.