Matatandaan na nagkaroon ng Road Crash Incident noong ika-2 ng Marso sa Sitio Mapita, Brgy. Laoag, bayan ng Aguilar kung saan isang mini-dump truck ang nadisgrasya lulan ang 35 indibidwal na pawang mga trabahador ng isang ginagawang Solar Power Plant na pagmamay-ari ng Aboitiz Power Corporation.
Sa naganap na Sangguniang Panlalawigan Session kahapon ika-5 ng Hunyo, muling ipinatawag ang mga indibidwal gaya na lamang ng mga kinatawan ng nasabing kompanya na Aboitiz Power Corporation, SUMEC at PNP Aguilar at iba pa upang ituloy ang pag-iimbestiga sa naturang insidente at upang alamin din kung legal ba ang operasyon ng naturang kumpanya sa lugar.
Sa sesyon, sinabi ni PMajor Mark Ryan Taminaya, na na-i-file na ang kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical inquiries sa driver ng truck sa Municipal Circuit Trial Court sa Aguilar-Bugallon at magkakaroon aniya ng hearing ang driver sa darating na ika-15 ng Hunyo.
Dumalo rin sa sesyon si Ji Wei ang manager ng kontraktor na SUMEC kung saan hindi sila nagkulang sa pagtulong sa pamilya ng mga biktima maging sa apat na nasawi sa insidente kung saan lahat ay kanila nang sinagot gaya na lamang ng mga gastusin sa hospital maging sa mga funeral fees at financial assistance.
Sa ngayon, inaalam ng SP kung legal ba ang operasyon nito at sinabi naman ng kinatawan ng kumpanya na dumaan umano sila sa proseso upang makapag-operate.
Hiling ngayon ng SP na muling ipakita ang lahat ng mga requirements o dokumento na nagpapakitang dumaan sa proseso ang kanilang operasyon.
Binigyan ng dalawang linggo ang kumpanyang Aboitiz Power Corporation upang kumpletuhin at ipasa ang mga kailangang dokumento sa kanilang operasyon. |ifmnews
Facebook Comments