Pamamahagi ng Ayuda mula sa DOLE sa Cagayan Valley, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Kasabay ng ika-87 taong anibersaryo ng Department of Labor and Employment sa bansa, tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng nasabing ahensya sa mga benepisyaryo ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) 2, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) at Abot Kamay ang Pag-asa (AKAP) Program sa buong Lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Chester Trinidad, Labor Information Officer ng DOLE Region 2, tinatayang aabot na sa halagang P22 million ang naipamahaging ayuda sa mahigit 2,500 benipisyaryo na mula sa 14 munisipalidad at Lungsod sa rehiyon dos.

Dagdag dito, nabigyan ng ayuda na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa sa ilalim ng CAMP 2 program ang mahigit 170 formal sectors mula sa tatlong establisyimento sa Tuguegarao City.


Sampung (10) Returning Overseas Filipinos (ROFs) naman mula sa Tuguegarao City ang nabigyan ng tig-P10,000 mula sa DOLE-AKAP program. Ang sampung benepisyaryo ay pawang mga sea-based ROFs na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ayon pa kay Ginoong Trinidad, madadagdagan pa ang naturang bilang ng mga nabigyan ng ayuda dahil magpapatuloy pa rin ang pamamahagi sa mga kwalipikado hanggang December 10, 2020.

Facebook Comments